Palakasin ang mga Kakayahan ng Guro Upang Makamtan ang mga Kasanayan na Dapat Matamo ng mga Mag-aaral (Strengthening the Skills of Araling Panlipunan Teachers in Achieving the Skills of the Students)
Synopsis
Nakatuon ang pananaliksik sa pagsusuri ng batayang pagtataya (standardized assessment) National Achievement Test (NAT) at pagtatayang gawa ng guro(teacher-made test) upang matukoy ang mga kahinaang taglay ng mag-aaral na magsisilbing gabay sa guro na palakasin ito sa pamamagitan ng paraang Plan-Do-Check-Action.Nilalayon nito na matugunan ang hamon ng K-12 na kurikulum na magkaroon ng mamamayan na maasahan na makakatulong sa bansa at ng layuning pangkalahatan ng SDGs(2030) na magkaloob ng kalidad na edukasyon para sa lahat.Sa pagsusuri ng mga datos mula sa batayang pagtataya at pagtatayang gawa ng guro, natukoy ng mga guro sa Araling Panlipunan kung saan ang kalakasan ng mga mag-aaral at kahinaan kung kaya’t ang mga guro ay nagtalakay ng paraan kung paano magkakaroon ng lubusang pagkatuto ang mga mag-aaral sa asignaturang ito.Napagkaisahan ng mga guro na ang mga mag-aaral na may kahinaan ay bigyan ng indibidwal na instruksyon at iba’t-ibang instruksyon (differentiated instruction) ayon sa kakayanan ng mga mag-aaral upang mahawan ang balakid ng pang-unawa.Batay sa datos na pagkokompara mula sa taong pampaaralan 2017-2018 at 2018-2019, makikita ang pagtaas ng mga kasanayang natamo ng mga mag-aaral. Batay din sa mga estratehiyang ginawa ng mga guro at superbisyon sa kanila, napagtuunan ng lubos na pansin ng mga guro ang mga kasanayan na dapat na palakasin at kung paano ito makakamit.
