Ang Pilipinas sa panunumbalik ng Demokrasya
Synopsis
EDSA… Ninoy Aquino…. Hindi Ka Nag-iisa…. Mga salitang naging simbolo ng pagbabalik ng demokrasya sa ating bansa. Mga katagang tunay na nakapagpabagsak ng diktadurya ni Pangulong Marcos at nakapagpalaya sa mga Pilipino sa tanikala ng batas militar. Mga katagang nagpasigla sa mga Pilipino upang muling itaguyod ang isang Republikang malaya, makatao, at makaDiyos. Sa modyul 17, napag-alaman mo na kusang pinawalang bisa ni Pangulong Marcos ang Batas Militar. Ngunit sa katotohanan, patuloy na naging diktadurya at mapaniil ang kanyang pamahalaan at lubhang naging maimpluwensya ang puwersa ng militar. Dito sa modyul na ito, pagtutuunan natin ang tunay na puwersang nakapagpabagsak sa diktadurya at nakapanumbalik sa demokrasyang tinatamasa natin sa ngayon.
