Pagsusuri sa mga Obra Maestrang Isina-Komiks: Tungo sa Pagbuo ng Pamantayan sa Pagsusuri ng Pantulong na Kagamitan sa Antas Sekundarya
Synopsis
Pangunahing layunin ng pag-aaral na ito na masuri ang mga obra maestrang isinakomiks na magsisilbing gabay sa pagbuo ng pamantayan sa pagsusuri ng komiks bilang pantulong na kagamitan sa pagtuturo ng mga obra maestra sa antas sekundarya. Naging batayan sa pagsusuri ang teorya ni Mc Cloud (1993; 2006) na Kombinasyong Salita at Larawan (Word-Picture Combinations) kung saan pumapaloob ang iba't ibang ugnayan ng salita at larawan sa komiks, gayundin ang transisyon ng mga pangyayaring magpapalutang sa kasiningang taglay ng naturang babasahin. Binigyang-tuon din sa pagsusuri ang mga simulain nina Gimena (2011) at Valiente (2009) kaugnay sa mga elementong pangnilalaman at teknikal na aspekto ng komiks na kinabibilangan ngbanghay, tauhan, diyalogo o mga usapan, salaysay (caption), pananaw o POV (point of view), tema, estilo, pahinasyon at mga kuwadro. Sa pagsasakatuparan ng layuning ito, nilikom ng mananaliksik ang lahat ng bersyon ng mga obra maestrang isina-komiks na nakasulat sa wikang Filipino. Sa pagsusuri, natuklasan ang mga pagkakatulad at
pagkakaiba ng mga bersyon. Kabilang sa mga pagkakatulad ng mga ito ang magkaagapay na paggamit ng mga salita at larawan sa pagpapalutang ng effects at mensahe ng kuwento, ang mga katangiang taglay ng mga pangnilalamang elementong nasuri sa bawat komiks gaya ng banghay, tauhan, paggamit ng pananaw sa ikatlong persona at tema. Ilan naman sa mga pagkakaibang nasuri sa mga komiks ang iba't ibang estilo ng mga awtor sa paghabi ng mga diyalogo at salaysay, pagpili ng mga tayutay na gagamitin at iba pang kagamitang wika na nakapaloob sa mga usapan, paraan ng paglilipat ng eksena o transisyong biswal, maging sa teknikal na aspekto gaya ng pahinasyon at iba't ibang kuha sa mga kuwento upang ipakita ang mga mahahalagang pangyayari mula sa orihinal na akda.
