Pagbuo ng Kontekstuwalisadong Diksiyonaryong Mansaka-Filipino
Synopsis
Ang pag-aaral na ito ay naglalayong makabuo ng kontekstuwalisadong diksiyonaryong Mansaka-Filipino. Ang mga salitang napabilang sa nasabing diksiyonaryo ay nakalap mula sa komunidad ng Mansaka na may kultural na kaugnayan sa tribo. Sa pagbuo ng diksiyonaryo, sinimulan ang hakbang sa loob ng komunidad gaya ng pagsunod sa protokol, sinundan naman ito sa pagsagawa ng pormal at di-pormal na panayam sa pangan-galap ng mga datos. Isinakategorya ang mga salita ayon sa nakikita at nakakubling kultura ni Hall (1989). Isinaayos ang mga salita sa Mansaka sa pamamagitan ng paglagay ng diin bilang gabay sa tamang bigkas, pagbigay ng katumbas o deskripsiyon sa Filipino, at saka pagtukoy sa bahagi ng pananalita. Isinagawa ang kontekstuwalisasyon sa diksiyonaryo ayon sa paliwanag at paglarawan ng komunidad batay sa konteksto at kaugnayan nito sa kultura at tradisyon ng tribo. Panghuli, isinagawa ang konsultasyon at balidasyon sa parehong mga eksperto sa kultura at sa wika upang matiyak ang kawastuhan ng mga kahulugan. Ang diksiyonaryong binuo ay may 204 na salita kung saan 111 sa mga ito ay napabilang sa kategoryang nakikitang kultura na may kinalaman sa pagkain, gamit sa bahay, halaman, hayop, kalikasan, kalusugan, kasuotan, palamuti sa katawan, sayaw, musika, instrumentong pangmusika, laro, lugar, pagdiriwang, at hanapbuhay. Samantala, 93 naman nito ay napabilang sa nakakubling kultura na may kinalaman sa pamilya, magkamag-anak, katawagan, relihiyon, pinuno sa komunidad, pinuno sa seguridad at kapayapaan, eleksiyon, siklo ng buhay, panitikan, tradisyon, paniniwala, seremonya o ritwal, emosyon, at ugali o katangian.
