Pagsusuri ng Barayti ng Wikang Hiligaynon Tungo sa Pagbuo ng Modelong Mapang Pangwika
Synopsis
Ang pag-aaral na ito ay hinggil sa pagsusuri ng barayti ng wikang Hiligaynon at pangunahing layunin nito ang makabuo ng modelong mapang pangwika (Hiligaynon). Ang mga tiyak na layunin sa pag-aaral ay ang masuri ang mga barayti ng wikang Hiligaynon na Sinâ, Sentral Panay, at Kinaray-a batay sa aspektong ponolohikal, morpolohikal, at semantikal; makadisenyo at makabuo ng mapang pang- Hiligaynon batay sa barayti nito; at matukoy ang (mga) nanganganib na wika sa probinsiya ng Iloilo. Upang makamit ang mga layuning nabanggit ay naglikom ang mananaliksik ng mga datos sa pamamagitan ng pakikipanayam gamit ang isang talatanungan sa 265 mga kalahok. Ginamit ang palarawang disenyo sa pagsusuri ng mga nakalap na datos. Lumabas sa pag-aaral na sa ponolohikal na aspekto ay nagkakaroon ng pagkakaiba sa paggamit ng mga ponemang katinig na /r/ at /l/ sa ilang mga bahagi ng probinsiya gayundin sa mga ponemang patinig na /o/,/u/, at /ə/. Malaya namang nagkakapalitan ang mga ponameng /h/ at /w/ pati na ang /d/ at /g/. Sa morpolohikal na aspekto naman ay nagkakaroon ng pagkakaiba sa paggamit ng mga salitang-ugat. Nagkakaroon naman ng pagbabago sa diin at nagkakaroon ng pagbabago sa ponema ng salitang-ugat sa ilang mga salita sa ilang bahagi ng probinsiya kapag dinadagdagan ito ng panlapi. Sa aspektong semantikal naman ay iba-iba ang ginagamit ng ilang bahagi ng probinsiya para tukuyin ang iisang kahulugan gaya ng paggamit ng tiil, siki, at kahig para tukuyin ang bahagi ng katawan na paa at marami pang iba. Ang mga pagkakaibang ito ay agad na makikita sa tulong ng modelong mapang pangwika na dinisenyo at binuo mula sa naging kinalabasan ng pag-aaral. Mula rito ay masasabing sadyang kapansin-pansin ang kaibahan ng bawat barayti kung ang pagbabatayan ay ang aspektong ponolohikal, morpolohikal at semantikal ng mga ito. Mula sa naging resulta ng pag-aaral ay masasabing malaki ang naging impluwensiya ng heograpiya sa pagkakaroon ng iba‘t ibang barayti sa wikang Hiligaynon sa probinsiya ng Iloilo.
