Ebalwasyon ng Implementasyon ng Kurikulum ng Mother Tongue Based-Multilingual Education (MTB-MLE)
Synopsis
Nilalayon ng pag-aaral na ito na magsagawa ng ebalwasyon ng implementasyon ng kurikulum ng Mother Tongue Based-Multilingual Education (MTB-MLE sa Rehiyon 5. Gamit ang modelong pang-ebalwasyon ni Stufflebeam (1971) para sa mainam na pagdedesisyon batay sa apat na indikasyon tulad ng input, konteksto, proseso, at produkto. Tinukoy rin ang mga hamon sa implementasyon ng MTB-MLE. Ang mga resulta ay ginamit upang makabuo ng mungkahing disenyo ng ebalwasyon sa implementasyon ng MTB-MLE kurikulum. Ayon sa resulta ng pag-aaral nalaman na may mga kakulangan sa batayang aklat at kagamitan sa pagtuturo ng wikang Bikol at kailangan pang isalin sa wikang Bikol ang ibang mga gabay aralin. Karamihan sa mga mag-aaral ay hindi gumagamit ng wikang Bikol sa kanilang tahanan at may kakulangan sa kasanayan ang mga guro sa pagtuturo at pagpapatupad ng MTB-MLE. Kailangan ng mga guro ng patuloy na pagsasanay sa pagtuturo ng MTB-MLE at ang pagkakaroon ng angkop na kagamitan sa pagtuturo ng unang wika.Iminumungkahing magkaroon pa ng patuloy na pag-aaral sa lokal na mga sanggunian at mga varayti ng wikang Bikol, magkaroon ng pagsasanay ang mga guro sa pagtuturo ng MTB-MLE, magsulat pa ng mga kagamitan at babasahin sa unang wika, at magkaroon ng komiteng susuri pa sa implementasyon ng MTB-MLE upang mas mapabuti ang implementasyon nito sa Rehiyon 5 at iba pang rehiyon.
