Replektibong Pag-iisip sa Pamaraang 'Isip-Sambit' Gamit ang Tula Isang Teorya
Synopsis
Ang nababagong bihis na istrukturang pang-edukasyon o kurikulum na K-12 sa asignaturang Filipino ay nakatuon na mahasa ang kasanayan sa replektibo o mapanuring pampag-iisip. Mula sa nabanggit, mainam na makabuo ng mga hakbang sa pagtatamo ng mithiing ito. Naisakatuparan ang pag-aaral na ito sa layuning makabuo ng modelo sa replektibong pagiisip gamit ang tula kalahok ang mga piling manunulat ng Mataas na Paaralan ng Caruhatan National High School sa dibisyon ng Valenzuela. Ang pag-aaral na ito ay isang kwalitatibong-deskriptibong pananaliksik kung saan pinagbatayan ang Grounded Theory na kinapapalooban ng proseso ng coding sa pagsusuri ng datos. Natuklasan sa pag-aaral sa nabuong modelo na ang mga mag-aaral ay dumaraan sa apat na prosesong pampag-iisip sa pagninilay habang sumusulat ng tula. Ito ay ang Pag-uugnay ng Karanasan, Pagkokonsepto, Paggamit ng Estratehiya, at Paghuhusga. Subalit sa kabila ng nabanggit na mga tema, nililinaw ng pag-aaral na ito, batay na rin sa naging pagsusuri na mananaliksik sa pagninilay ng mga mag-aaral, na hindi tiyak kung saan nagsisimula ang mga mag-aaral o alin ang una nilang pinagdadaanan sa mga nabanggit na tema. Ngunit ang malinaw, ang mga mag-aaral ay walang tigil sa pagtalunton, dumaraan sa mga nabanggit na tema at maaaring nagpapabalik-balik. Bunga ng nailahad na paglalarawan at mga konsepto na ukol sa pag-iral ng replektibong pag-iisip, tinawag ang modelong ito na “Taludtod Talunton: Modelo ng Pagninilay sa Pagsulat ng Tula.” Nakita rin sa pag-aaral na ito ang kakayahan ng mga mag-aaral na makabuo ng mas makabuluhan at tulang may lalim kung sila ay bibigyan ng sistematiko at makabagong gawain na naglalaan nang sapat na panahon sa pagpoproseso ng isip sa pagninilay. Kaya naman ang modelo sa replektibong pag-iisip ay magsisilbing padron na makapagpapaliwanag ng pagpoprosesong mental ng mga mag-aaral sa pagsulat. Nakikita rin na natutuhang pagbatayan ang nailahad na gawain sa replektibong pag-iisip upang mahasa ang kasanayan ng mga mag-aaral sa pagninilay nang sa gayon ay makatugon sa tunguhin ng napapanahong kurikulum.
